Naniniwala ang urban planner na si Architect Paulo Alcazaren na marami sa flood control structures na itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi epektibo sa pag-control sa mga serye ng pagbaha sa bansa.
Inihalimbawa ni Alcazaren, ang mga itinatayo ng DPWH na dike at mga flood barrier na mistulang prayoridad ng ahensiya bilang flood mitigation stuctures na ginagawa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Aniya, marami sa mga ito ay hindi epektibo.
Bagaman nagagawa ng mga ito na tugunan ang pagdaloy ng tubig na kadalasang naiimbak tuwing nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan, ang tanging nangyayari lamang aniya ay nadadala ang bulto ng tubig patungo sa mga komunidad na mas mababa, dahilan kung bakit marami pa rin ang nalulubog sa tubig-baha.
Ang kailangan aniya ay akmang pamamahala sa naiipong tubig mula sa mga serye ng pag-ulan upang hindi tutuloy ang bulto nito sa mga mababang komunidad at nananatili rito sa loob ng mahabang panahon.
Inirekomenda ng urban planner ang pagbuo ng maayos na master plan laban sa mga serye ng pagbaha at mahigpit na pagsunod nito, mula sa hanay ng lokal na pamahalaan, DPWH, at maging ang mga pribadong kumpaniya.
Sa ganitong paraan aniya, hindi lamang basta naitatayo ang mga dike atbpang flood control structure bagkus, naihahanay ang mga ito sa nilalaman ng master plan.