Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga accountant ng bansa na manindigan laban sa korupsyon at anomalya.
Ginawa ni DILG Usec. for Public Affairs and Communications Rolando Puno ang pahayag, kasabay ng malawakang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa pagdalo ng DILG official sa event ng mga Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) sa Tagaytay City, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng papel ng mga coountant para matuklasan ang pagdaraya at mapanatili ang tiwala ng publiko sa government process.
Hinamon din ng opisyal ang mga accountant na pangunahan ang reporma at ananagutan.
Aniya, ang trabaho ng mga accountant ay hindi lamang nakapokus sa number-crunching, at sa halip ay nakataya dito ang kanilang pangalan at integridad.
Kabilang sa mga reporma ay ang sistema, audit, at disbursement process.
Bagaman technical ang trabaho, mayroon aniya itong social at political effect.
Inihalimbawa nito ang isang maanomalyang audit process na maaaring pagsimulan ng isang scam. Giit ni Puno, ang isang mabuting accountant ay may kakayanang ipatigil ang isang anomalya bago pa man ito nagsimula.
Apela ng opisyal sa mga accountant, dapat ay maging dahilan ang mga ito para ma-expose ang mga ghost project at mapigilan ang paglabas ng mga huwad na report.