Kinumpirma ng National Maritime Council (NMC) na wala na sa West Philippine Sea ang barko ng People’s Liberation Army (PLA) Navy na sangkot sa banggaan noong nakaraang buwan.
Ayon kay Undersecretary Alexander Lopez ng NMC, hindi na na-monitor ang PLA Navy vessel 164 matapos itong masangkot sa insidente ng banggaan kasama ang China Coast Guard (CCG) 3104 habang hinahabol ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel na BRP Suluan malapit sa Bajo de Masinloc noong Agosto 11.
Matatandaang, matinding napinsala ang forecastle ng barko ng CCG, na ngayon ay kinukumpuni na sa isang naval base sa Hainan, China.
Ayon pa kay USec. Lopez, inaasahan ding ipapaayos ang Chinese Navy warship, bagamat hindi tukoy ang kasalukuyang lokasyon nito dahil kadalasan aniyang hindi ito isinasapubliko ng China.