-- Advertisements --

Naglunsad ang Office of the Ombudsman ng isang Special Panel of Investigators upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan, mapa-lokal man o sa national level.

Ayon sa kautusang inilabas ng Ombudsman, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Article XI, Section 13 ng 1987 Constitution at sa umiiral na batas ng Ombudsman, na nagbibigay ng kapangyarihan sa nasabing tanggapan na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa anumang nagawa o kapabayaan ng isang opisyal ng gobyerno kung ito ay may indikasyon ng katiwalian, kawalan ng katarungan, o hindi epektibong pamamalakad.

Ang Special Panel ay inatasang tukuyin ang mga posibleng katiwalian, maling paggamit ng pondo ng bayan, at iba pang iregularidad kaugnay ng mga flood control project.

Pamumunuan ang Special Panel nina Assistant Ombudsman Caesar Asuncion (Field Investigation Office I) bilang Chairperson at Assistant Ombudsman Maria Olivia Elena Roxas (Field Investigation Office I) bilang Co-chairperson.

Kasama naman sa mga miyembro ng panel sina Maria Jennifer Lacea, Marie Beth Almero, Maria Karen Veloso, Frederick Aguilar, Carmelo Gines, Jr. at iba pa.

Patuloy naman ang pagtutok ng Ombudsman sa imbestigasyon upang tiyaking mapapanagot ang sinumang mapatunayang sangkot sa mga iregularidad.