Pinakilos na ng Philippine Red Cross ang kanilang rescue teams, logistics support at relief operations sa Cebu kung saan ikalawang nag-landfall ang bagyong Tino at sa mga karatig pang lugar.
Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni PRC Chairman Richard Gordon para tiyakin ang real-time monitoring, decision making at deployment ng humanitarian assets.
Kasalukuyang naka-full capacity ang operasyon ng PRC para matiyak ang mabilis at maayos na pagresponde sa mga apektadong rehiyon.
Sa kabila naman ng malawak na pagbaha sa Cebu, mabilis na nirespondehan ng Emergency Medical Services ang isang obstetric emergency at ligtas na nadala ang pasyente sa pagamutan.
Pinakalat na rin ng PRC Cebu Chapter ang kanilang water, search and rescue teams patungo sa Villa Rio, Talamban, Cebu para umalalay sa nagpapatuloy na emergency operations.
Kasalukuyang nagsasagawa ang emegrnecy team ng assessment at response activities sa lugar kasunod ng napaulat na pag-apaw ng lebel ng tubig dahil sa patuloy na mabibigat na pag-ulang dala ng bagyo.
Nananatili namang naka-full alert ang PRC at handang tumugon sa emergencies at magbigay ng humanitarian assistance sa mga lugar na higit nangangailangan ng tulong sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
		
			
        















