Tinanggihan ng San Juan Regional Trial Court (RTC) Branch 160 ang hiling ni Senator Jinggoy Estrada na temporary restraining order (TRO) laban kay dating DPWH Bulacan first district assistant engineer Brice Hernadez.
Nauna na kasing naghain ang Senador ng kasong sibil para sa danyos kalakip ang hiling na TRO at injunction laban kay Hernandez para mapigilan itong gumawa ng mga alegasyon laban sa Senador.
Ang kaso ay may kinalaman sa paratang ni Hernandez laban sa Senador na nakatanggap umano ng kickbacks mula sa maanomaliyang flood control projects.
Subalit, sinabi ni RTC Presiding Judge Aicitel Lascano-Nethercott sa resolution na walang awtoridad ang korte na pagbawalan ang legislative committee mula sa pagmandato sa isang indibidwal na humarap at tumestigo sa inquiries.
Paliwanag pa ng hukom na iniisyu lamang ang TRO kapag ang naturang usapin ay may “extreme urgency”.
Samantala, nilinaw naman ng panig ng Senador na tanging TRO lamang ang tinanggihan ng korte subalit nananatiling nakabinbin ang aplikasyon para sa Writ of Preliminary Injunction at nakatakdang dinggin sa Nobiyembre 12 kung saan bibigyan ang magkabilang panig ng pagkakataon na magpresenta ng kanilang mga argumento at ebidensiya.
















