-- Advertisements --

Inilabas na ng Office of the Ombudsman ang mga kopya ng mga desisyon ng dating Ombudsman na sina Conchita Carpio-Morales at Samuel Martires kaugnay ng 2016 dismissal order laban kay Senador Joel Villanueva.

Matatandaang tinawag ni kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isang “secret decision” ang 2019 ruling ni Martires na bumaliktad sa naunang utos ni Morales na tanggalin si Villanueva sa serbisyo publiko dahil sa umano’y P9.7 million pork barrel anomalies noong kongresista pa ito ng CIBAC Party-list.

Sa desisyon ni Martires, sinabi niyang kulang sa ebidensya upang patunayan ang pagkakasangkot ni Villanueva sa maling paggamit ng pondo.

Batay sa naging ulat ng NBI, natukoy na palsipikado o pineke ang lagda ng senador sa ilang dokumento.

‘There is no adequate evidence showing Villanueva’s involvement… The signatures were obviously forged,’ ayon sa naging desisyon ni Martires.

Dagdag pa rito, walang ebidensya na nakinabang umano si Villanueva o iba pang respondent sa nasabing halaga. Sa halip, inirekomenda ng Ombudsman na palalimin ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga pekeng dokumento.

Ipinaliwanag naman ni Remulla na isinapubliko nila ang mga desisyon para sa kaalaman ng publiko at upang maiwasan ang mga haka-haka.

‘People are speculating as to which is which and what is what. These are already decisions presumed valid,’ ani Remulla sa isang pulong balitaan noong Oktubre 29.