Nanawagan si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na agarang ayusin ang mga silid-aralang nasira ng magkakasunod na kalamidad mula Hunyo hanggang Oktubre ngayong taon, upang maiwasan ang lalo pang paglala ng kakulangan sa mga paaralan sa bansa.
Binigyang-diin ng senador na dapat kumilos nang mabilis ang pamahalaan dahil may posibilidad na lumaki pa ang kasalukuyang kakulangan na humigit-kumulang 165,000 silid-aralan kung maaantala ang mga pagkukumpuni.
Ipinunto rin niya ang kahalagahan ng matatag at pangmatagalang gusali ng paaralan, lalo na sa mga lugar na madalas mapinsala ng bagyo at lindol.
“Hindi na natin dapat hinahayaang paulit-ulit na nasisira ang mga silid-aralan sa gitna ng mga kalamidad. Dapat matibay, ligtas, at pangmatagalan na ang mga ito,” ayon kay Gatchalian.
Layunin ng kanyang panawagan na matiyak na hindi maaantala ang pag-aaral at higit pang mapabuti ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa.
















