Nakataas pa rin sa blue alert status ang maraming regional offices ng Office of the Civil Defense (OCD) dahil sa patuloy na banta ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang na dito ang National, regional at local disaster risk reduction and management operations centers.
Ayon kay OCD Spokesperson Junie Castillo, batay sa kanilang monitoring, inaasahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa ilang rehiyon.
Binigyang-diin ni Castillo na nakaantabay pa rin ang mga ahensiyang may tungkulin sa search and rescue, debris clearing, at iba pang emergency response. Kapag bumuti ang panahon, agad isasagawa ang mga clearing operations upang mapabilis ang pagbabalik sa normal na sitwasyon.
Dagdag pa niya, naghahanda rin ang OCD laban sa banta ng severe thunderstorms, habagat, at Low Pressure Area (LPA).
Pinapayuhan din ang mga residente sa mabababang lugar at flood-prone areas na manatiling alerto.
Tiniyak din ng opisyal na may naka-preposition na mga family food packs mula sa DSWD at LGUs gayundin ang hygiene kits, non-food items, at naka-standby na kagamitan sa iba’t ibang regional offices.