Idineklara na ng Sangguniang Panlalawigan of Batangas na “under state of calamity” ang kanilang buong probinsya.
Ito’y ilang oras lamang matapos hikayatin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal na bilisan ang deklarasyon.
Sa ginanap na Taal Volcano inter-agency coordination meeting kanina, sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing na ito ay upang magamit na ng LGUs ang kanilang calamity funds at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mamamayan.
Kasabay nito, inatasan na rin ni Densing ang Bureau of Fire Protection na tumulong sa gagawing road clearing operations sa mga lugar na nalubog sa putik makaraang maghalo ang tubig at abong ibinubuga ng bulkan.
Isa sa mga bayang lubhang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal ay ang bayan ng Laurel, Batangas.
Kaya naman, humingi ng tulong si Laurel Mayor Joan Lumbres-Amo na kailangan pa nila ng karagdagang mga rescue vehicle dahil hindi sila makahanap ng gasolinahan para malagyan ng krudo ang kanilang mga sasakyang gagamitin sana sa paglikas.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo kay Alfonso, Cavite Mayor Randy Salamat, handa ang kanilang bayan na tumanggap pa ng mga evacuees mula sa apektadong mga lugar.
Sa ngayon ay hinahanapan din aniya nila ng matutuluyan ang mga lumikas, na ayon kay Salamat ay umabot na sa 1,000 indibidwal.
Sinabi rin kanina ng Department of Social Welfare and Development na dadalhin na sa apektadong mga lugar ang ipapamahaging 5,000 food packs at sleeping kits.
Inihahanda na rin nila ang isa pang batch ng mga food packs na aabot ng hanggang 10,000 at ipapamigay sa mga apektadong mamamayan ng mga bayan sa Batangas.