-- Advertisements --

Isinailalim na sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) ang dalawang Grade 9 na estudyante ng Basilan National High School matapos mambugbog ng isang Grade 10 na kamag-aral sa loob ng paaralan sa Isabela City, Basilan noong Hunyo 25, 2025.

Matatandaang kumalat online ang video ng insidente, kung saan makikitang binubugbog ng dalawang estudyante ang 15-anyos na biktima.

Ayon sa pulisya, pinilit umano ng mga suspek ang biktima na gawin ang isang bagay na labag sa kanyang kalooban, gaya ng paninigarilyo.

Kakasuhan sila sa ilalim ng Anti-Bullying Act alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act dahil kinokonsidera sila bilang minors.

Sa naging pahayag naman ng principal ng paaralan sinabi nitong posibleng “katuwaan” lamang ang motibo sa pananakit.

Samantala dinala na ang biktima sa ospital dahil sa pagkahilo at pagsusuka, bago inilipat sa Zamboanga City para sa mas maayos na gamutan.

Sa kasalukuyan ay pinalakas na ng mga awtoridad ang pagbabantan sa paaralan at pinaandar narin ang mga CCTV para sa seguridad ng mga mag-aaral.