-- Advertisements --

Patay ang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang isang sundalo naman ang sugatan sa naganap na engkuwentro sa Barangay Humay-humay, noong umaga ng Mayo 1, 2025.

Ayon kay Police Lt. Jerome de Lara, deputy chief ng Guihulngan City Police Station, natagpuan ang bangkay ng lalaking rebelde sa isinagawang clearing operation matapos ang palitan ng putok. Narekober din sa lugar ang isang M16 rifle, bala, mga personal na gamit, at mga dokumento.

Isinugod naman sa ospital ang nasugatang miyembro ng Philippine Army.

Dahil sa insidente, pansamantalang lumikas ang ilang residente sa mas ligtas na lugar. Patuloy na isinasagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang pagtukoy sa bilang ng mga apektadong pamilya.