Tatlong manggagawa ang malubhang nasugatan matapos ang isang pagsabog sa loob ng isang pagawaan ng baril sa Barangay Fortune, Marikina ngayong araw ng Lunes ng hapon.
Ayon sa ulat, isa sa mga biktima ang naputulan ng parehong kamay, habang ang dalawa ay nagtamo ng pinsala sa dibdib at mata.
Agad silang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina City Police, sumabog ang isang kahon na naglalaman ng primer —ang bahagi ng bala na nagsisilbing panimula ng pagsabog ng pulbura —habang hawak ito ng isa sa mga manggagawa.
Nabatid din na ang biktimang naputulan ng kamay ang siyang humahawak din sa kahon ng primer nang ito ay sumabog.
Matatandaan na noong Pebrero ng nakaraang taon, isang pagsabog din ang naganap sa imbakan ng gun powder sa parehong pabrika, na naging sanhi ng sunog.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng gun factory hinggil sa pinakabagong insidente.
Samantala, pinag-iisipan na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang pagsasampa ng kaso laban sa pamunuan ng pabrika dahil sa posibleng kapabayaan.