-- Advertisements --

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng internet personality at negosyanteng si Josh Mojica, 21-anyos, matapos masangkot sa isang paglabag sa batas trapiko.

Kinumpirma ng LTO sa kanilang opisyal na pahayag na kuha sa video ang aktong pagmamaneho ni Mojica habang kinukuhanan ang sarili gamit ang cellphone —malinaw na paglabag umano sa Anti-Distracted Driving Act.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, hindi dahilan ang uri o halaga ng sasakyan para balewalain ang batas.

Makikita pa sa video na in-upload mismo ni Mojica na siya ay nagmamaneho ng isang mamahaling sasakyan habang may hawak na cellphone. May caption pa ito na, ”Life’s so fckn good when u stay masipag & pogi.”

Umani ito ng matinding batikos mula sa netizens, na tinawag ang kanyang kilos na iresponsable. Marami ang nagsabing bilang isang public figure, dapat ay nagsisilbi siyang huwaran sa kanyang mga tagasubaybay.

Batay sa Show Cause Order (SCO) na inisyu ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pangunguna ni Chief Renante Melitante, nahaharap si Mojica sa Reckless Driving, Paglabag sa Anti-Distracted Driving Act (Sec. 4 ng R.A. No. 10913, at Being an Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27(a) ng R.A. No. 4136).

Ang huling kaso ay maaaring magresulta sa tuluyang pagkansela ng kanyang lisensiya.

Bukod sa suspensiyon, inatasan din si Mojica na humarap sa LTO upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng karampatang administrative penalties.

Samantala, isinailalim na rin sa alarm list ng LTO ang kanyang Porsche habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Matatandaang si Mojica ay unang nakilala noong 2021 matapos mag-viral ang kanyang kwento kung paano siya kumita mula sa pagbebenta ng homemade kangkong chips. Mula noon ay naging kilala siya bilang isang batang negosyante at influencer.

Muling iginiit ng LTO na ang kasikatan at karangyaan ay hindi sapat na dahilan upang isantabi ang kaligtasan sa kalsada.