Isinisi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa baradong mga ilog at tapyas sa pondo para sa flood control projects ang mga naranasang pagbaha na namerwisyo sa maraming parte ng bansa sa kasagsagan ng mga tumamang kalamidad.
Tinukoy ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ang mga riverbeds na aniya’y sobrang mababaw na at nasa parehong lebel na ng riverbanks kayat kapag bumuhos aniya ang mabibigat na pag-ulan nagdudulot ito ng mga pagbaha sa mga karatig at mabababang lugar.
Wala aniyang tumingin sa ganitong mga problema.
Bilang tugon, sinabi ng kalihim na tututukan ng ahensiya ang desilting o pagtanggal sa mga nakabara sa mga ilog para maging maayos ang mga daloy ng tubig sa kailugan.
Tinukoy din ni Sec. Bonoan ang tinapyas na mga pondo para sa paghahanda ng DPWH sa maayos na engineered flood control projects sa maliit na halaga bilang dahilan sa kasalukuyang estado ng flood control system sa bansa.
Inalala din ng kalihim na dati pa ay binabawasan o di naman kaya ay tinatanggal na ang pondo para sa preparasyon at engineering o pagdedesinyo at pagpapatupad ng structural at non-structural solutions para mapahupa ang epekto ng pagbaha.
Pero sa kabila nito, ginawa aniya nila ang kanilang makakaya para maipatupad ang proyekto.
Maliban dito, inamin ng kalihim na kinailangan nilang tugunan ang nadagdag na ilang minadaling ihanda na flood control projects matapos maisabatas ang pambansang pondo. May mga nadadagdag din aniyang mga proyekto pagkatapos maisabatas ang General Appropriations Act (GAA) nang hindi nakikilatis nang mabuti.
Matatandaan na sa ilalim ng P6.326 trillion na pambansang pondo para ngayong 2025, naglaan ng P1.007 trillion, subalit vineto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P26.065 billion na halaga ng public works projects para sa pagpapahupa at pagkontrol ng baha.
Kabilang dito ang P4.58 billion na pondo para sana sa pagpapatayo at pagmentine ng flood mitigation structures at drainage systems gayundin ang mga pondo para sa flood mitigation facilities sa pangunahing river basins at mga ilog at para sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng suplay ng tubig, sewerage at pagkolekta ng mga tubig-ulan.
Sa kabila naman nito, nangako si Sec. Bonoan na tatalima sila sa kautusan ni Pangulong Marcos sa pagimbentaryo ng lahat ng flood control projects sa ilalim ng kaniyang pamumuno.