Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na tumaas ng 10.3 porsiyento ang outstanding loans ng universal at commercial banks (U/KBs) para sa mga negosyo at indibidwal noong Nobyembre 2025.
Batay sa paunang datos ng BSP, nanatiling matatag ang paglago ng bank loans year-on-year noong Nobyembre.
Sa seasonally adjusted basis, sinabi ng BSP na lumago rin ng 0.9 porsiyento ang outstanding loans year-on-year sa nasabing panahon.
Ayon sa BSP, bumagal nang bahagya ang paglago ng loans sa mga residente sa 10.7 porsiyento noong Nobyembre mula 10.9 porsiyento noong Oktubre.
Sa kabila nito patuloy namang bumaba ang loans sa mga non-resident, na lumiit ng 4.5 porsiyento, mas mababa kumpara sa 11.1 porsiyentong contraction noong nakaraang buwan.
Tumaas din ng 9.0 porsiyento ang mga pautang para sa mga negosyo.
Kabilang sa mga sektor na nakapagtala ng pagtaas sa lending ang real estate activities (9.0 porsiyento); electricity, gas, steam, at air-conditioning supply (26.6 porsiyento); wholesale at retail trade, kasama ang pagkukumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo (11.6 porsiyento); financial at insurance activities (3.5 porsiyento); information and communication (7.0 porsiyento); at transportation and storage (12.7 porsiyento).
Samantala, ang consumer loans gaya ng credit card receivables, motor vehicle loans, at general-purpose salary loans ay lumago naman ng 22.9 porsiyento noong Nobyembre, bahagyang mas mababa kumpara sa 23.1 porsiyento noong Oktubre.
Ani pa ng BSP na patuloy nitong binabantayan ang bank lending dahil isa ito sa mahahalagang daluyan ng implementasyon ng monetary policy.
Sisikapin din daw ng BSP na matiyak na ang domestic liquidity at kondisyon ng pagpapautang ng mga bangko ay nananatiling naaayon sa layunin nitong mapanatili ang price stability at financial stability.













