-- Advertisements --

Nilinaw ng Embahada ng Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia na naipon ang mga labi ng mga Pilipinong nasawi doon dahil sa tatlong buwang lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic kaya umabot na sa halos 400.

Paliwanag ito ni Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia Adnan Alonto kung bakit lumobo sa 353 ang bilang ng mga labi ng mga kababayan nating kailangang maiuwi at mailibing sa Saudi Arabia.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Amb. Alonto na sa nasabing bilang, 107 ang namatay sa COVID-19 habang ang nalalabing 246 ay natural o iba’t ibang sakit ang ikinamatay.

Ayon kay Amb. Alonto, sa ngayon nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Saudi government matapos magbigay ng 72 oras na deadline si King Salman ng Kingdom of Saudi Arabia para maiuwi ang lahat ng labi ng ating mga kababayan.

Inihayag ni Amb. Alonto na ang mga nasawing kababayan dahil sa COVID-19 ay kinakailangang mailibing na mismo sa Saudi batay na rin sa inilabas na guidelines habang ang ilan na iba ang sanhi ng ikinamatay ay maaaring maiuwi ang mga bangkay dito sa bansa.