Nadiskubre sa Antique ang watawat ng Pilipinas na tinatayang nasa isangdaan dalawampu’t pitong taon na ang tanda.
Kaugnay nito, hinihimok ng isang local historian at dating Antique provincial board member na si Errol Santillan ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na ideklara ito bilang isang national treasure.
Target din aniya nila na magpasa ng resolution mula sa Antique provincial board para ideklara ang watawat bilang isang mahalagang historical at cultural heritage at mapreserba ito.
Sa kasalukuyan, ang watawat ay nasa pangangalaga ng pamilya ni 2nd Lt. Ruperto Abellon, ang second-in-command sa Visayas sa ilalim ni Gen. Leandro Fullon noong kasagsagan ng Philippine Revolution at digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Santillan, dinala ang watawat at itinaas sa Libertad, Antique bilang parte ng armed expedition noong 1898.
Base naman sa pagkakaalala ng 79 anyos na apo ni Lt. Abellon, nagmula sa Hongkong ang watawat na dinala ni Heneral Emilio Aguinaldo nang bumalik siya sa Pilipinas noong Mayo 19, 1898.
Ang isang siglong watawat ng Pilipinas ay may sukat na 53 pulgada ang lapad at 93 pulgada ang haba, na yari sa espesyal na materyales.
Tulad ng modernong watawat ng Pilipinas, meron itong kulay asul, pula, at puti at mayroong tatlong bituwin na sumisimbolo sa tatlong pangunahing island groups ng bansa na Luzon, Visayas at Mindanao.