Umabot sa 224 na delegates ang dumalo sa 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na ginaganap ngayon dito sa Maynila na binubuo ng 125 kinatawan mula sa 11 bansang kasapi nito at 99 mula sa 16 na observer parliaments.
Ito ang inihayag ni House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez.
Pinangunahan ni House Speaker at AIPA President Faustino “Bojie” Dy III ang pormal na pagbubukas ng pagtitipon noong Miyerkules, Nobyembre 18, katuwang si Deputy Speaker Maria Rachel J. Arenas bilang Chairperson ng AIPA 2026 Organizing Committee.
Pormal ding tinanggap sa pagpupulong ang Timor-Leste bilang pinakabagong kasapi ng AIPA matapos ang pagpasok nito sa ASEAN noong Oktubre 2025, habang dumalo naman bilang panauhin ang Myanmar.
Kabilang sa mga observer delegations ang mga parlamento ng Australia, China, India, Japan, South Korea, Russia,Canada, European Parliament, at iba pang bansa. Paliwanag ni Hernandez, sa General Assembly binubuo at pinagkakasunduan ang mga resolusyon sa mga isyung kinakaharap ng rehiyon, na siyang isusulong at ipatutupad ng bawat delegasyon sa pag-uwi nila sa kani-kanilang parlamento.









