Mariing kinondena at pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pahayag ng ilang Chinese scholars na nagsasabing bahagi ng Taiwan ang Batanes Islands at dapat umanong saklawin ng soberanya ng China.
Ayon sa NHCP, gawa-gawa lamang ang naturang claim at walang anumang batayan sa kasaysayan o agham.
Batay sa ulat, ang mga Chinese scholars ay nagdaos ng symposium sa Jinan University noong Hunyo 30, 2026, kung saan kanilang iginiit na ang Batanes ay “natural geographic extension” ng Taiwan at dating sakop ng Taiwan prefecture noong Ming at Qing Dynasties.
Pinabulaanan ito ng NHCP, na nagsabing ang mga tala ng British explorer na si William Dampier noong 1687 ay walang anumang ebidensya ng pamamahala ng Tsina sa Batanes, at malinaw na ang mga Ivatan ay may sariling pamayanan at kalakalan.
Dagdag pa ng NHCP, simula pa noong 1783 ay kinilala na ng pamahalaang Espanyol ang Batanes bilang bahagi ng lalawigan ng Cagayan, at mula noon ay tuloy-tuloy na naging bahagi ng kasaysayan at pamahalaan ng Pilipinas.
Sa panahon ng Philippine Revolution at Malolos Congress, kinatawan na rin ang mga Ivatan bilang bahagi ng pambansang lehislatura.
Pinabulaanan din ng NHCP ang argumento na dapat ibalik ng Japan sa China ang Batanes matapos ang World War II, dahil malinaw na ang mga Ivatan mismo ang nagpalaya sa kanilang bayan mula sa pananakop ng Hapon noong 1945.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng NHCP na ang Batanes ay palaging bahagi ng Pilipinas, may sariling pamahalaang lokal, at kinikilala ng buong mundo bilang teritoryo ng bansa.
Nanindigan ang ahensya na walang halaga ang mga pahayag ng ilang Chinese scholars at nanawagan sa mga institusyong akademiko na manatiling tapat sa tunay na pananaliksik.
Dagdag pa ng NHCP, walang anumang kasinungalingan ang makakapagbura sa katotohanan ng kasaysayan ng Pilipinas at ng Batanes bilang lehitimong bahagi ng ating bansa.
















