Nagsagawa ng “stop and salute flag raising ceremony,” ang mga tauhan ng pamahalaan sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay Eufemio O. Agbayani III, Historic Sites Development Officer II ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), bahagi ito ng mga aktibidad ngayong nagsimula na ang National Flag Days.
Ang selebrasyong ito ay bilang pag-alala sa tagumpay ng Pilipinas sa tinaguriang “Battle of Alapan.”
Doon ay tinalo ng tropang Filipino, sa pangunguna ni Gen. Emilio Aguinaldo ang pwersa ng mga Kastila.
Para kay Agbayani, ito ang hudyat ng mga panimulang programa bago ang Araw ng Kalayaan sa darating na Hunyo 12.
“Kung ang Pasko ay may simbang gabi, ito namang Independence Day ay may National Flag Days,” wika ni Agbayani sa panayam ng Bombo Radyo.
Samantala, maliban sa kaganapan ngayong araw, tuloy-tuloy na rin ang iba pang aktibidad sa loob at labas ng Metro Manila, hanggang sa sumapit ang Araw ng Kalayaan.
Hinimok naman nito ang publiko na makiisa sa mga makabuluhang pagsariwa sa ating kasaysayan at gabayan ang mga kabataan na maging mulat sa mga pangyayaring naitala sa ating bansa sa mga nakaraang dekada.