Pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) hanggang alas-5:00 ng hapon ang oras ng botohan sa isinasagawang special election para sa kinatawan ng ika-4 na distrito ng Cavite ngayong Sabado, Agosto 29.
Mula sa orihinal na oras na hanggang alas-3:00 lamang ng hapon, nagpasya ang komisyon na magdagdag ng dalawang oras upang mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na makapunta sa mga presinto sa gitna ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, naitala ang mababang voter’s turnout mula pa nitong umaga matapos mahirapan ang maraming residente na makalabas ng kanilang mga tahanan. Inaasahan na rin umano ng ahensya ang naturang sitwasyon dahil sa nakataas na alerto at banta ng posibleng pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan ng Cavite.
Isinasagawa ang espesyal na halalang ito upang punan ang nabakanteng pwesto sa Kongreso ng ika-4 na distrito matapos opisyal na patalsikin sa tungkulin si dating Kinatawan Kiko Barzaga dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga patakaran at tuntunin ng Kapulungan.
















