-- Advertisements --

Pormal ng inilatag ng National Historical Commission of the Philippines ang mga aktibidad nito ngayong darating na araw ng Kalayaan sa Hunyo ika-labindalawa.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ng naturang komisyon, inilahad nila ang mga kapanapanabik na programa na maaring asahan ng publiko sa mga susunod na araw.

Iba’t iba kasi ang mga nakatakdang plano na posibleng daluhan ng mga Pilipino upang ipakita ang pakikiisa sa pagdiriwang ng selebrasyon.

Kung saan sinimulan na ito sa isinagawang pag-kilala at pagbibigay pugay sa watawat ng Pilipinas nang umpisahan ipagdiwang ang National Flag days sa bansa.

Kaya’t ayon kay Eufemio Agabayani III ng National Historical Commission of the Philippines marami ang mga nakalinyang aktibidad ang inihanda ng komisyon.

Isa na rito ay ang gaganaping konsyerto sa Luneta Park ng Maynila na kung tawagin ay Musikalayaan, sumunod naman ay ang parada ng pag-aanyaya sa pangunguna ng pag-iikot ng mga bumbero upang makapanghikayat.

Matapos nito ay mayroon ding serbisyong medikal na hatid ng pamahalaan sa June 10, na Klinakalayaan.

Habang sa darating na ika-sampu at ikalabing-isa naman ng Hunyo ay mayroong mga nakaprisenta sa publiko na serbisyo pang hatid ng gobyerno, kasama pati ang kadiwa ng Pangulo.

Gayundin ang mga nakadisplay na presentasyon ng Armed Forces of the Philippines at iba pang mga uniformed personnel ng pamahalaan upang ipakita at magsilbing inspirasyon sa mga nais tahakin ang ganitong uri ng trabaho.

At panghuli ay ang isasagawang simultaneous flag raising sa mismong araw ng Kasarinlan na susundan pa ng parada ng Kalayaan at pagsapit ng gabi ay magkakaroon pang muli ng isang konsyerto sa Luneta Park sa Lungsod ng Maynila.

Samantala nabanggit din sa naturang pulong balitaan ang katatapos lamang na paglalayag sa West Philippine Sea ng Atin Ito coalition.

Kung saan matapang nilang iwinawagayway ang bandila ng Pilipinas sa karagatang pilit inaangkin ng bansang Tsina kasabay ng pagdiriwang ng National Flag days sa bansa.

Kaya’t ang komisyon ay nagpaabot ng kanilang pasasalamat at pakikiisa lalo na sa mga ganitong uri ng gawain.

Ani pa kasi ni Eufemio Agabayani III na kanilang hindi pinipigilan ang pagwawagay sa bandila ng Pilipinas lalo na’t kung ito’y ginagawa ng maayos at may puso ng pagiging Makabayan.