-- Advertisements --

Nakiisa ang Filipino community sa Lebanon sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Ayon kay FilCom leader sa Beirut na si Lisa Robredillo, bahagi ito ng ambag ng mga Pilipinong nasa ibayong-dagat sa paggunita sa mahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.

Aniya, inorganisa ang programa ng kanilang samahan na OFW Magbaysay Organization.

Ipinagdiwang ang okasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang makabayang aktibidad tulad ng pag-awit ng mga makabayang awitin at pagtatanghal ng mga tradisyunal na sayaw na Cariñosa at Tinikling.

Sa kabila ng nagpapatuloy na sigalot sa Lebanon, hindi natinag ang Filipino community sa pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa bayan.

Ayon kay Robredillo, bagama’t nananatiling maayos ang sitwasyon sa kabisera ng Beirut, nagpapatuloy pa rin ang mga pag-atake sa timog na bahagi ng Lebanon.