-- Advertisements --

Inilunsad ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ang “Kalayaan Mural” kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Biyernes, Hunyo 12 at bilang pagpapamalas ng pagiging makabayan

Pinangunahan ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa kanilang himpilan sa Camp General Servillano Aquino, Tarlac City.

Tampok sa aktibidad na ito ang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan ng mga kawal at ng lokal na komunidad.

Sentro ng selebrasyon ang pagpapasinaya ng NOLCOM ng isang malaking sining sa pader o mural na tinatawag na “Kalayaan Mural.”

Ang proyektong ito ay naglalayong gunitain ang tapang at sakripisyo ng mga bayaning Pilipino na lumaban para sa kalayaan ng bansa, palakasin ang kamalayan sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas, partikular na sa adbokasiya para sa West Philippine Sea (WPS).

Gayundin para gamitin ang sining upang pag-isahin ang damdamin ng mga sundalo at mamamayan tungo sa kapayapaan at pag-unlad.

Ang mural ay bunga ng pagtutulungan ng mga talento mula sa hanay ng militar at mga lokal na pintor, na nagpapatunay na ang pagtatanggol sa bayan ay maipapahayag din sa pamamagitan ng malikhaing sining.