-- Advertisements --

Nagpaalala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na ipinagbabawal na tugtugin o awitin bilang libangan ang National Anthem.

Ginawa ng komisyon ang paalala sa inilabas nitong statement ngayong Martes, Abril 28, matapos makatanggap sila ng mga ulat hinggil sa isang viral short-form video kung saan makikitang inaawit ang Pambansang Awit na “Lupang Hinirang” sa hindi angkop na paraan sa isang outdoor rave party.

Ayon sa komisyon, batay sa paunang imbestigasyon, posibleng naganap ang insidente noong Disyembre 2025 sa Estados Unidos, kaya’t wala sa hurisdiksyon ng batas ng Pilipinas at hindi ito maaaring sampahan ng legal na aksyon.

Gayunman, pinaaalalahanan ng NHCP ang mga Pilipino sa ibayong dagat na ang mga pambansang sagisag, kabilang ang Pambansang Awit, ay protektado sa ilalim ng Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code.

Nakasaad dito na dapat awitin ang Lupang Hinirang ayon sa orihinal na balangkas at areglo ni Julian Felipe at hindi ito maaaring gamitin bilang libangan o pang-aliw.

Iginiit ng NHCP na ang pagpapakita ng pagkamakabayan ay dapat isagawa nang may paggalang, pagsunod sa batas, at pag-unawa sa kultura.

Paalala rin ng komisyon na ang kalayaan ng bansa ay bunga ng sakripisyo ng mga bayani, kaya nararapat lamang na gamitin ito nang may pananagutan.