-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Basang mga module at lubog sa tubig-dagat na mga gadget at laptops.

Ito ang sitwasyong kinasadlakan ng mga guro ng Hubo Elementary School sa Magallanes North District sa Sorsogon matapos tumaob ang bangkang sinasakyan patungo sa eskuwelahan.

Sa kuhang video ng isa mga guro na kinilalang si Rolena Hachaso-Bon Derilon, nakasagupa nila sa biyahe ang malakas na hangin at malalaking alon na nagpataob sa bangka.

Sumabay din sa problema ang makina ng bangka na hindi na umaandar noong nasa pantalan pa sila subalit itinuloy pa rin ang biyahe.

Napag-alaman na magkakasabay na nagtungo sa paaralan ang tatlong guro at dalawang volunteer teachers na pawang nasa ligtas na ring kaligtasan sa ngayon.

Malaking pasasalamat naman ng mga ito sa dalawang mangingisdang tumulong sa kanila.

Samantala ayon kay Department of Education-Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, madalas ang ganitong mga insidente sa mga gurong naa-assign sa coastal areas.

Hanga rin aniya ito sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro kaya nakahandang tumulong upang mabawasan ang trauma na dulot ng insidente.

Sa ngayon ay papalitan naman ang mga nabasang modules na ipinapasakamay na lamang sa pag-aksyon ng school’s division superintendent na nakakasakop.