CENTRAL MINDANAO – Ni-raid nang pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG-BARMM) kasama ang Maguindanao Provincial Police Office at Upi Municipal Police Station ang tatlong tahanan sa Purok 13, Barangay Poblacion, Nuro Upi, Maguindanao.

Ang mga bahay ay pag-aari nina Jonathan Bilang Bilang, John Carlo Sarmiento Flores at ang municipal mayor ng North Upi na si Ramon Piang.

Bitbit ng mga otoridad ang search warrant number 2019-04-138, 139 at 140 for violation of RA 10591 (comprehensive law fire arms and ammunition) na inisyu ni Executive Judge Alandrex Betoya.

Isa-isang hinalughog ng CIDG-BARMM at pulisya ang tatlong pamamahay kabilang na ang tahanan ng alkalde ngunit nagnegatibo.

Paalis na sana ang raiding team ng makita nila ang isa sa mga security escort ni Mayor Piang na nakilalang si Lito Esteban Madamon na nakunan ng isang kalibre .45na pistola na may dalawang magazine at pitong mga bala.

-- Advertisement --

Hinuli ang suspek at dinala sa tanggapan ng CIDG-BARMM sa Cotabato City.

Nilinaw naman ni Mayor Piang na wala siyang mga private armed groups at wala siyang tinatagong matataas na uri ng armas.