Suportado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang mga hakbang na higpitan ang mga regulasyon sa online gambling subalit hindi ang total ban o tuluyang pagbabawal nito.
Ito ang tugon ng ahensiya sa gitna ng mga pagpuna mula sa Simbahang Katolika at ng ilang mga mambabatas sa paglaganap ng online gambling sa bansa.
Ipinaliwanag naman ni Pagcor chair at chief executive officer Alejandro Tengco na ang kanilang posisyon sa usapin ay mas higpitan ang regulasyon sa halip na tuluyan itong ipagbawal.
Aniya, kumikita ang pamahalaan ng mahigit P100 billion mula sa online gambling kayat hindi dapat ito isantabi.
Nauna ng iniulat ng ahensiya na nakapagtala ito ng net income noong nakalipas na taon na nagkakahalaga ng P84.97 billion kung saan kalahati nito o P48.79 billion ay mula sa “remarkable performance” ng e-games at e-bingo.
Sinabi din ng Pagcor chief na maapektuhan ang mahigit 32,000 na trabaho sa online gambling industry gayundin ang ancillary businesses nito sakaling ganap na ipagbawal ang online gambling.
Sakali din aniyang maipasa bilang batas ang total ban sa online gambling, mawawalan ng trabaho ang security guards, drivers, messengers, at negosyo para sa mga restaurants at ilang transportation companies na kailangan sa online gambling industry.
Iginiit naman ni Tengco na ang tunay na sumisira sa industriya sa kasalukuyan ay ang mga iligal na operator mula sa ibang mga bansa na tinatarget ang mga Pilipinong customers dahil alam nilang mahilig ang mga Pinoy sa pagsusugal.
Kaugnay nito, pinagaaralan at isinasapinal na ang mga panukala kaugnay sa online gambling at maglalatag aniya sila sa mga susunod na buwan ng isang hotline kung saan maaaring tumawag at humingi ng payo.
Inihayag din ni Tengco na kasalukuyan ng nakikipagusap ang Pagcor sa rehabilitation center na tutulong sa mga adik sa pagsusugal at gumagawa na rin ng AI tool o self-exclusion button na maaaring pindutin sakaling nalulong na sa sugal ang isang indibidwal at awtomatiko na aniyang hindi makakapaglarong muli.
Nakatakda ding lumagda ang ahensiya sa isang kasunduan sa Ad standards council sa susunod na linggo para mabantayan ng naturang consumer protection nonprofit group ang promosyon ng online gambling companies sa pamamagitan ng billboards, telebisyon at iba pang advertising media.