-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ang Tropical Depression Ramil na kasalukuyang nasa layong 1,145 kilometro sa silangan ng Southeastern Luzon.

Ayon sa pinakahuling ulat, taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 km/h malapit sa gitna, at pagbugsong hangin na hanggang 55 km/h.

Mabagal ang galaw nito patungong kanluran-hilagang kanluran.

Signal No. 1:

Silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan)
Buong Camarines Norte
Catanduanes
Camarines Sur
Albay
Hilaga at silangang bahagi ng Sorsogon (Donsol, Pilar, Castilla, Lungsod ng Sorsogon, Gubat, Prieto Diaz, Casiguran, Barcelona, Bulusan)
Silangang bahagi ng Northern Samar (Laoang, Catubig, Palapag, Mapanas, Gamay, Lapinig, Pambujan, San Roque)

Inaasahang kikilos si Ramil pa-kanluran hanggang bukas, bago lumihis pa-kanluran hilagang kanluran patungong Central-Southern Luzon. Posibleng dumaan ito malapit sa Catanduanes sa umaga o hapon ng Oktubre 18, at mag-landfall sa Aurora o Quezon sa Oktubre 19. May posibilidad ng pagbabago sa landfall area kung lilihis ito pa-timog, na maaaring magdulot ng paglawak ng mga lugar na sasailalim sa babala ng bagyo.

Matapos ang landfall, inaasahang tatawid ito sa bulubunduking bahagi ng Northern o Central Luzon, at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa hapon o gabi ng Oktubre 19, Linggo.

Habang nasa Philippine Sea, inaasahang lalakas pa si Ramil at maaaring umabot sa kategoryang tropical storm sa madaling araw ng Oktubre 18. Hindi rin isinasantabi ang posibilidad na ito’y maging isang severe tropical storm bago ito mag-landfall.