-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Senate Committee on Sports Chairman Senator Bong Go ang naganap na pamamaril sa pampublikong paaralan sa Banga, South Cotabato na pumatay sa tatlong katao at nag-iwan ng pitong sugatan batay sa ulat ng lokal na Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Nagpaabot ng pakikiramay ang mambabatas sa mga pamilya ng biktima habang nag-alok ng tulong mula sa kaniyang opisina para sa pagkamit ng hustisya at agarang paggaling ng mga nasaktan.

Binigyang-diin ng senador na ito na ang ikatlong insidente ng pamamaril sa paaralan kasunod ng mga kaparehong trahedya kamakailan sa Tacloban City at Zamboanga City.

Dahil dito, nanawagan siya sa Executive Department, Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcement agencies na magpatupad ng mas mahigpit na security measures at magsagawa ng masusing imbestigasyon upang panagutin ang mga responsable.

Muling isinusulong ng mambabatas ang Senate Bill No. 2413 o Safe Schools and Violence Prevention Bill na naglalayong magtatag ng national safety framework upang matiyak na mananatiling ligtas na lugar ng pag-aaral ang mga paaralan sa buong bansa.