-- Advertisements --

Naisumite na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Malacañang ang panibagong draft ng Security of Tenure (SOT) bill.

Kinumpirma ito ni Labor Sec. Silvestre Bello III sa isang panayam matapos na i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon ang naunang bersyon ng naturang panukala.

Ayon kay Bello, noong nakaraang buwan pa niya naisumite kau Executive Sec. Salvador Medialdea ang panibagong draft ng panukalang ito.

Bago aniya nila binuo ang naturang draft, sinabi ng kalihim kanilang kinonsulta muna ang iba’t ibang stakeholder bago nila ito isinapinal.

Tumanggi naman ang kalihim na banggitin pa ang mga “major differences” sa bagong draft kumpara doon sa na-veto na bersyon.

Iginiit ni Bello na ayaw niyang pangunahan ang aksyon na gagawin ni Medialdea hinggil dito.

Gayunman, kanila namang isusumite sa Kongreso ang draft ng SOT bill sa oras na magbukas muli ang sesyon nito.