-- Advertisements --

Sa kabila ng abalang schedule ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC), nananatili pa rin umano ang posibilidad na makapag-request ito ng panibagong warrant of arrest para sa iba pang Pilipino na iniuugnay sa madugong drug war ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Naniniwala si ICC-accredited lawyer Gilbert Andres na bagaman ang pangunahing pokus sa ngayon ay ang paglitis sa kaso ng dating pangulo, maaari aniyang hilingin pa rin ng prosekusyon sa ICC ang paglabas ng warrant para tuluyan itong ma-implementa.

Nananatili kasi aniyang mahigpit ang timeline na ibinigay sa prosecution na kailangan ding magawa ng panel bago ang nakatakdang September 23 confirmation of charges hearing laban sa dating pangulo.

Maliban sa mga inihahandang dokumento, kailangan din aniyang paghandaan ng prosekusyon ang mismong hearing, dalawang buwan na lamang mula ngayon.

Pero katwiran ng batikang abogado na ang kaso laban sa dating pangulo ay isa lamang sa mga kasong dati nang sinisiyasat ng ICC.

Maaaring dati na rin aniyang natapos ang ibang kalakip na dokumento o ebidensiya laban sa iba pang personalidad na iniuugnay sa madugong drug war, kaya’t hindi pa rin aniya malayong maglabas din ang ICC ng warrant sa mga susunod na araw habang gumugulong ang trial laban sa dating pangulo.

Ilan sa mga nakahanay pang aktibidad para sa kaso ng dating pangulo ay ang pag-transmit sa Trial Chamber sa listahan ng mga biktima na nag-apply para tumestigo laban sa dating pangulo, representasyon ng mga biktima, pagpapasya ng ICC sa isyu ng hurisdiksiyon sa kaso ng dating pangulo, pag-desisyon sa interim release request, at iba pa.