-- Advertisements --

Nabuo na bilang bagong bagyo ang low pressure area sa silangang bahagi ng Southern Luzon.

Natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 1,075 km silangan ng Eastern Visayas (labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR).

Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 km/h malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 70 km/h.

Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 35 km/h.

Inaasahang ganap na makakapasok ito sa PAR ngayong hapon o gabi at papangalanang “Opong”.

Sa loob ng PAR, kikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran patungong Eastern Visayas at Southern Luzon sa Biyernes ng umaga, Setyembre 26.

Posibleng tumawid sa Southern Luzon (Bicol, CALABARZON, MIMAROPA) mula Biyernes hanggang Sabado, at lumabas ng PAR sa Sabado ng gabi.

May posibilidad na lumakas ito bilang tropical storm bukas, Setyembre 24, at posibleng umabot pa sa mas mataas na kategorya.

Posibleng magtaas ng Wind Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Eastern Visayas. Kung lalakas pa, maaaring itaas ang Wind Signal No. 3.

Hindi pa direktang maaapektuhan ang panahon sa susunod na 36 oras habang nasa labas pa ng PAR.

Inaasahang magsisimula ang malalakas na ulan sa Huwebes, Setyembre 25.

Maaaring magtaas ng Gale Warning sa Eastern Visayas at Bicol Region sa Huwebes ng hapon dahil sa inaasahang maalon at mapanganib na karagatan.