-- Advertisements --

Nadakip na umano ng mga otoridad sa Amerika ang isang babaeng sinasabing nagpadala kay US President Donald Trump ng package na naglalaman ng lason na ricin.

Ayon sa isang law enforcement official, nahuli ang nasabing indibidwal nang tangkain nitong pumasok sa Estados Unidos galing Canada sa border crossing sa estado ng New York.

Inaasahan namang magsasampa ng reklamo laban sa kanya ang mga tagausig sa Washington DC.

Una nang sinabi ng mga US officials na natuklasan ang liham sa isang screening facility para sa White House mail nitong nakalipas na linggo.

Natukoy sa ginawang eksaminasyon na laman ng envelope ang isang substance na ricin, isang lason na nakikita sa castor beans.

Nabatid na nakalalason ang ricin at kung malunok, malanghap, o ma-inject sa katawan ng tao ay nagdudulot ito ng pagkahilo, pagsusuka, at internal bleding na mauuwi sa organ failure. (CNN)