Naniniwala si House Quad-Committee Lead Chairperson Robert ‘Ace’ Barbers na hindi naka-apekto sa boto ng mga kandidato ng ‘Alyansa para sa Bagong Pilipinas’ ang impeachment complaint na inihain laban kay dating VP Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Barbers ang Mindanao votes na nakuha ng Alyansa candidates.
Giit ng kongresista na ang resulta ng halalan ang mismong magsasabi na hindi ito naka-apekto sa pagkapanalo ng mga kandidato ng administrasyon.
Inihalimbawa ng outgoing district representative ang pagkapanalo ng 36 mula sa 44 na Mindanao lawmaker na unang pumirma sa impeachment complaint.
Katwiran ni Barbers, ang mga ito ay pawang nanalong muli, na nangangahulugang mayroong 81.81% na win rate ang mga kongresistang sumuporta sa impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Paliwanag pa ng batikang kongresista, kung isang political liability sana ang impeachment, dapat ay hindi na nanalo ang mga kongresista sa kani-kanilang mga distrito.
Sa halip ay naging mainit pa rin aniya ang pagtanggap ng mga botante sa kanila para ihalal muli pabalik sa kanilang opisina.
Si Barbers ay isa sa mga Mindanao lawmaker na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara. Siya ang nagsilbing chair ng makapangyarihang Quad-Committee na nag-imbestiga sa umano’y koneksiyon ng Duterte drug war, Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), Chinese drug smuggling, money laundering, at iba pang krimen.