Iminungkahi ngayon ng mga siyentipiko ang makabago at malaking potensyal ng solusyon sa pagsugpo ng sakit na malaria.
Natukoy ng mga ito na maaaring gamutin ang mga lamok gamit ang anti-malaria drugs upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na pumatay sa halos 600,000 katao bawat taon, na karamihan ay mga bata.
Sa kasalukuyan, ang mga hakbang sa paglaban sa malaria ay nakatuon lamang sa pagpatay sa mga lamok gamit ang insecticides. Sa bagong pamamaraan pagagalingin ang mga lamok laban sa kanilang impeksyon.
Ayon kay Dr. Alexandra Probst ng Harvard, ito ay isang bagong approach na magpapahinto umano sa pagkalat ng sakit mula sa mga lamok.
‘Even if that mosquito survives contact with the bed net, the parasites within are killed and so it’s still not transmitting malaria,’ ani Dr Probst.
Nakakita ang mga researcher ng dalawang gamot na 100% umanong epektibong nakakamatay sa malaria parasites na natatagpuan sa mga lamok.
Plano nilang gamitin ang mga gamot sa mga bed nets, na may insecticides. Ang mga gamot ay may bisa ng hanggang isang taon, kaya’t ito ay maaaring maging mas murang alternatibo sa karaniwang insecticides.
Sa ngayon, tagumpay ang kanilang mga isinagawang eksperimento at sa susunod na hakbang ay isasagawa ito sa bansang Ethiopia.
Bagaman aabot pa ng anim na taon bago ganap na matukoy ang ang bisa ng kanilang unang approach ay may plano naman ang mga researcher na pagsamahin ang mga gamot at insecticide sa mga nets para sa mas matibay na proteksyon laban sa malaria.