-- Advertisements --

Ipinagmalaking inulat ng Malakanyang na pinalawak pa ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang benepisyo para sa mga pasyenteng may sakit na Malaria.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na ito ay tugon ng pamahalaan sa panawagan ng World Health Organization na magkaisa laban sa sakit na Malaria.

Sinabi ni Castro na mula sa dating P780, itinaas sa P1,170 ang benepisyo para sa diagnostic test, gamot, at konsultasyon.

Saklaw na rin ang paggamot sa uncomplicated malaria sa pamamagitan ng P5,460 na package sa primary care at hanggang P7,800 para sa mga pasyenteng kailangang maospital.

Ayon kay Dr. Edwin Mercado ng PhilHealth, ang bagong malaria package ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang maging mas mabilis, abot-kaya, at komprehensibo ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

Layunin nitong suportahan ang target ng bansa na tuluyang wakasan ang malaria sa taong 2030.

Ayon sa Palasyo, kanilang ikinalugod ang patuloy na pagtutok ng administrasyong Marcos sa kapakanan at kalusugan ng bawat Pilipino, lalo na sa harap ng banta ng mga sakit tulad ng malaria.