Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman ang 16,000 na mga bagong teaching positions sa mga pampublikong paaralan para sa School Year (SY) 2025–2026, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang sektor ng edukasyon.
Ang 16,000 na bagong posisyon ay bahagi ng unang tranche ng target na 20,000 teaching positions para sa taong ito.
Sa ibang banda sa 15,343 na mga bagong posisyon ay Teacher I (Salary Grade 11).
Ang mga teaching post para sa Senior High School ay ilalagay sa division level para sa mas flexible na deployment, alinsunod sa patakarang unang inilabas ng DBM noong 2016.
Ayon kay Secretary Pangandaman, ang hakbang na ito ay suporta sa Department of Education (DepEd) upang mapalakas ang workforce sa Kindergarten, Elementary, Junior High School, Senior High School, at Alternative Learning System (ALS).
Tinatayang aabot sa P4.194 billion ang pondong inilaan para sa mga bagong posisyon na manggagaling sa built-in appropriations ng DepEd sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Sa kasalukuyang SY 2024–2025, iniulat ng DepEd na mahigit 27.012 milyong mag-aaral ang naka-enroll sa elementarya at high school sa buong bansa, kabilang na ang nasa Alternative Learning System (ALS).