Binawian ng buhay ang isang babae na lumahok sa cake-eating competition para ipagdiwang ang Australia Day.

Batay sa ulat ng local media, nakatanggap ng tawag ang paramedic mula sa isang pub sa Queensland nitong Linggo dahil may babaeng nadawit sa “medical incident.”

Nagkaroon umano ng seizure ang 60-anyos na biktima makaraang isubo ang cube-shaped na Australian cake na lamington.

Dinala pa ang babae sa ospital pero nasawi rin kalaunan.

Naganap ang insidente sa Beach House Hotel na nagdiriwang ng taunang Australia Day lamington and meat pie eating contest.

Sa isang Facebook post, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan at mga staff ng hotel sa mga naulila ng biktima.

“We acknowledge and thank our supportive patrons, staff, and the Queensland Ambulance Service for their prompt and professional response while this tragic incident was unfolding,” saad sa post.

“The hotel staff have been offered professional support while our thoughts firmly remain with the family at this challenging time,” dagdag nito.

Batay sa pulisya, maglalabas ng ulat ang “coroner” tungkol sa insidente. (AFP)