-- Advertisements --

Ipinahayag ng Metropolpitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong gumamit ng artificial intelligence (AI) para sa advance traffic management detection, bilang bahagi ng modernisasyon ng traffic management sa Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng ahensya na palitan ang tradisyonal na ground loop detectors ng mga video detectors na mas matibay at epektibo, lalo na sa panahon ng masamang panahon o roadworks.

Inaasahan ng MMDA na maisakatuparan ang teknolohiyang ito sa susunod na taon.

Nabatid na ang AI-based traffic systems ay may kakayahang kumuha ng karagdagang impormasyon tulad ng bilis ng sasakyan, direksyon, at plate number.

Kaugnay nito, inalis na ng MMDA ang mga countdown timer ng traffic lights sa 96 na intersection sa Metro Manila.

Pinalitan ito ng mga adaptive signaling systems na gumagamit ng sensors para awtomatikong mag-adjust depende sa aktwal na daloy ng sasakyan.

Ipinakita rin ni Artes ang mga video na naglalarawan kung paano nagiging sanhi ng overspeeding at red-light violations ang countdown timers.