-- Advertisements --

Tumanggi ang gobyerno ng Australia na maging host country kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaniyang interim release.

Matatandaan nauna ng sinabi ni Vice President Sara Duterte sa panayam ng media sa Melbourne nang bumisita ang Bise Presidente doon, na nasa listahan ng mga bansa ang Australia na ikinokonsidera ng kaniyang ama na maging host country para sa kaniyang pansamantalang paglaya.

Ayon sa Bise Presidente, nangako ang Melbourne na tutulong o tatanggapin nito ang dating pangulo subalit hindi naglabas pa ng karagdagang mga detalye.

Batid din ng gobyerno ng Australia ang petisyon ng dating pangulo para sa interim release mula sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands. Subalit hindi umano ito pumayag na mag-host sa dating Pangulo at hindi din ikinonsidera ito.

Nakikita ng Australia ang aplikasyon ng dating pangulo para sa provisional release bilang isang usapin na dapat ikonsidera ng ICC sa ilalim ng Rome Statute, ang founding treaty ng korte kung saan member state din ang Australia.

Una rito, sa petisyon na inihain para sa interim release ng dating Pangulo noong Hunyo 12, kinumpirma ng defense team niya na nagpahayag ng kahandaan ang isang bansa para tanggapin ang dating pangulo sa panahon ng kaniyang interim release at ipatupad ang mga kondisyon para sa kaniyang paglaya. Subalit ang pangalan ng bansa ay redacted o hindi isinama sa dokumento.