Tinawag ni Police Regional Office Region 6 (PRO-6) chief Police Brig. General John Bulalacao na palabas lamang ng mga Garin ang pinalulutang nilang assasination plot laban sa kanila na ipinag-utos umano ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sinabi ni Bulalacao sa panayam ng Bombo Radyo na nais lamang ng mag-amang sina Iloilo 1st District Cong. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin na makapag-request ng security escort mula sa Commission on Elections (Comelec) kaya sila gumagawa ng kuwento.

Giit ni Bulalacao, wala silang natatanggap na report kaugnay sa planong pagpatay sa mag-amang prominenteng pulitiko sa Iloilo.

Una rito, ibinunyag ni Rep. Garin na mayroon silang death threat na natanggap na direktiba umano mismo ng punong ehekutibo.