CEBU CITY – Nananawagan ngayon ang mga otoridad sa publiko na i-report sa pulisya kung may nakilala o nalaman silang bagong panganak ngunit walang dinadalang anak.

Ito’y matapos na inabandona ang isang bagong silang na sanggol sa isang damuhan malapit sa dumpsite sa Brgy. Magkagong, bayan ng Sibonga, Cebu.

Una rito, habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ang isang Junrell Fuentes sa bukiring bahagi ng nasabing lugar pasado alas-11:00 ng umaga noong bisperas ng Pasko, sinusundan ito ng isang aso at tila kinukuha ang kanyang atensyon.

Kaya naisipan niyang sundan ito at doon na niya nakita ang isang lalaking sanggol na nakabalot sa isang brown na tuwalya.

Inihayag pa ng mga otoridad na kakapanganak lang umano sa bata dahil makikita pa ang umbilical cord na nakasabit pa sa pusod nito.

Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development Office ang nasabing sanggol.