VIGAN CITY – Nangako ang Department of Agriculture (DA) na pag-aaralan nilang mabuti ang panukala ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na magdeklara ang pamahalaan ng total importation ban sa mga imported na karne.
Ito ay upang mapangalagaan ang industriya ng pagbababoy sa bansa sa gita pa rin ng isyu sa African swine fever (ASF) na nakaapekto na sa mga alagang baboy ng ilang mga local hog raisers sa Rizal at Bulacan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar na pag-aaralan niyang mabuti ang panukala ng SINAG dahil alam naman nito na tanging kapakanan lamang ng mga nasa sektor ng agrikultura ang iniisip ng grupo.
Ayon kay Dar, makikipagpulong ang kanilang grupo sa mga miyembro ng SINAG upang mailatag ang nasabing usapin, kasama na ng mga dokumentong kailangan at makakapagpatunay na kayang suplayan ng mga hog raisers sa bansa ang pangangailangan ng Pilipinas sa karne ng baboy.
Nauna nang nagdeklara ang pamahalaan ng importation ban ng karne sa 22 bansa na kumpirmadong may kaso ng ASF at kahapon, kinumpirma na rin ang kauna-unahang kaso ng nasabing sakit sa South Korea.