Panalo na si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang pangulo ng Senado kung ngayon o bukas ang magiging botohan ng mga senador, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Bagama’t mahaba pa aniya ang tutulakin bago pumasok ang 20th Congress, naniniwala si Cayetano na kung ngayon ang magiging botohan sa plenaryo, si Escudero pa rin ang hihirangin bilang senate president.
Paliwanag ng senador, kung teoretikal na usapan, botohan ang magiging sistema para maghalal ng bagong senate president.
Giit nito, mayroong suporta si Escudero mula sa mahigit 13 mga senador o majority votes.
Samantala, hindi pa raw nakakausap ni Cayetano ang isa pang matunog na pangalan na tatakbo bilang senate president na si Senator-elect Tito Sotto.
Sa kabila nito aminado naman ang mambabatas na posibleng maraming magbago na magkaroon ng panibagong kandidato at koalisyon habang lumalapit ang panibagong Kongreso.
Una na ring kinumpirma ni Sotto na mayroon nang kumakausap sa kanya para tumakbong Senate President sa pagpasok ng 20th Congress.
Sinabi ni Sotto na nasa tatlo hanggang apat na mga senador ang kumakausap sa kanya.
Ngunit, paglilinaw nito, na hindi siya nag-iikot para magpapirma ng mga susuporta sa kanya para maging pangulo ng Senado.
Sa panig ni Escudero, sinabi niya na iiwan niya ang pasya sa mayorya ng bagong Senado kung siya pa rin ang mamumuno sa Senado o kung pipili sila ng bagong lider.