Hinamon ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela ang mga senador, partikular ang mga bumatikos sa kanya noon, na atasan ang China na humingi ng paumanhin sa sambayanang Pilipino.
Ito ay matapos maglabas ang China Daily, isang state-run media ng Beijing, ng isang AI-generated video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang “stupid monkey”.
Binigyang-diin ni Tarriela na noong Enero 2026, mabilis na naghain ng diplomatic protest ang China at pinag-sorry siya ng ilang senador dahil sa pagpapakita niya ng karikatura ni Chinese President Xi Jinping.
Ani Tarriela, ilang mga senador noon ang nagsasabing dapat siyang humingi ng tawad sa China, kayat tanong niya, sasabihin din ba umano nila ito ngayon na dapat humingi ng tawad ang China dahil ang videong ito ay nagpapababa sa atin bilang mga Pilipino?
Umaasa siya na magkakaisa ang mga mambabatas na kondenahin ang China dahil ang ininsulto sa video ay ang mismong national identity ng bawat Pilipino.
Kaugnay nito, hinimok din ni Tarriela ang mga Pilipino na magkaisa sa pagtutol sa tinawag niyang “racist propaganda.”
Giit pa ng opisyal na ang naturang state run outlet ay pagaari at inooperate ng People’s Republic of China kayat lahat ng inilalabas ng China Daily ay aprubado at pinakakalat ng kanilang gobyerno.
Kinuwestyon din ni Tarriela ang pananahimik ng Chinese Embassy sa Maynila dahil hindi pa ito naglalabas ng pahayag sa kontrobersiya gayong panay ang tugon nito sa kaniyang mga nakalipas na komento sa ibang isyu.
Samantala, opisyal na ring hiningi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang agarang pagtanggal sa naturang video dahil lumagpas na ito sa lehitimong diskursong politikal at tahasang nambabastos sa lahing Pilipino.
















