-- Advertisements --

MANILA — Hinikayat ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang publiko na pakinggan ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at suriin ang mensahe nito batay sa nilalaman, sa halip na sa personalidad ng Pangulo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na mahalagang mapakinggan ng lahat ang ulat ng Pangulo upang malaman ang tunay na kalagayan ng bansa at ang mga plano ng administrasyon.

Ayon sa senador, dapat manood ng SONA maging ang mga sumusuporta at tumututol sa administrasyon.

“Tomorrow may SONA. Dun sa mga pro-Marcos, walang problema, manood po tayo kasi pro-Marcos kayo. Dun sa anti-Marcos, manood pa rin po tayo. Bakit? Kasi siya po ang ating Pangulo. Isa lang ang ating Pangulo. State of the Nation, ibig sabihin po ano ang kalagayan ng ating bansa. Kailangan parati po may starting point tayo,” ani Cayetano.

Iginiit din niya na mas mahalagang suriin ang nilalaman ng talumpati kaysa sa kung sino ang naghahatid nito.

“Don’t look at the messenger. Look at the message. Kung titignan natin si President Marcos, yung mga Marcos na rin o Marcos pa rin magiging positive. Yung mga ayaw sa kanya, negative. Let’s look at his message tomorrow at saan tayo nag-aagree at saan tayo hindi nag-aagree,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Cayetano na pagkatapos ng SONA ay magsasagawa siya ng maikling vlog upang talakayin ang kanyang pagsusuri sa talumpati ng Pangulo, kabilang ang mga puntong kanyang sinasang-ayunan at hindi sinasang-ayunan. Hinikayat din niya ang publiko na magbigay ng kanilang tapat na pagtataya sa naging ulat ng Pangulo.

Ayon pa sa senador, bahagi ng pagmamahal sa bayan ang pagiging mulat at may sapat na kaalaman sa mga mahahalagang usaping kinahaharap ng bansa, kaya mahalagang maging mapanuri sa mga inilalatag na programa at direksyon ng pamahalaan.