Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng publiko kasunod ng tumamang malakas na magnitude 6.1 na lindol sa may Davao Occidental.
Ibinaba ito mula sa naunang napaulat na magnitude 6.9 matapos ang ginawang assessment ng mga eksperto.
Ayon sa ahensiya, walang banta ng mapanirang tsunami sa bansa base sa available na data.
Subalit, ayon sa Phivolcs, maaaring mag-generate ang ganitong kalakas na pagyanig ng hindi pangkaraniwang sea level disturbances na maaaring maobserbahan sa may baybayin malapit sa episentro ng lindol sa Davao Occidental at karatig na mga probinsiya.
Una rito, tumama ang malakas na lindol kaninang alas-7:07 ng umaga sa may katubigan ng Sarangani Island sa bayan ng Sarangani sa Davao Occidental. May lalim na 10 kilometro ang lindol at tectonic ang pinagmulan.
Ayon sa Phivolcs, inaasahang makakapagtala ng pinsala at aftershocks dahil sa epekto ng lindol.