CENTRAL MINDANAO-Nakubkob ng militar ang isang Anti-Personnel Mine (APM) factory sa inilunsad na focused military operation laban sa mga terorista sa Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Commander Major/General Juvymax Uy na nadiskubre ng mga tauhan ng 1st Mechanized Infantry Battalion ang isang pabrika ng APM sa Sitio Talpok, Barangay Salman Ampatuan Maguindanao habang tinutugis nito ang mga Local Terrorist Group (LTGs).
Narekober ng militar ang isang 105mm UXO, isang 60mm UXO, 12- 57RR shells, 17- 57RR empty shells, 100 grams black powder, APM-making components at isang notebook na naglalaman ng detalye paano gumawa ng bomba (APM).
“The Joint Task Force Central is in massive hunt for the terror groups particularly the Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) in Maguindanao and in the nearby provinces to prevent them from conducting atrocities and bombing attacks,” ani Uy.
Sinabi din ni Maj. Gen. Uy na ang mga natuklasan ng APM at ang mga sangkap nito ay nakatulong sa paglaban sa terorismo upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Timog at Gitnang Mindanao.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng Joint Task Force Central ang pagtugis sa Dawlah Islamiyah Terrorist Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.